NEMO, ANG BATANG PAPEL
Rene O. Villanueva
1 Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit
saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase.
Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak
siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.
2 Isang araw, isang mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad
niya sa labas si Nemo.
3 Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba.
Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng ratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng
daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip.
Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.
4 Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin
bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang
maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik
nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!
5 Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit
na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto
rin niyang maging isang tunay na bata.
6 “Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng
totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”
7 Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin
mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.
8 Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang
paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang
hiling.
9 “Bituin, bituin, tuparin ngayon din
Ako’y gawing isang batang masayahin!”
10 Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang
paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
11 Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong
Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid
na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong bahay.
12 “’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho
kayo!”
13 Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
14 Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na
bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano
makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.
15 Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng
sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
16 Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang
kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa
paaralang pinanggalingan niya.
17 Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si
Nemo ng libro.
18 “Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.
19 “Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
20 “Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
21 “Alis diyan!”
22 Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang
sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At
kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.
23 “’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.
24 Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na
lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng
sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa
mga sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik
na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na
ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng
matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.
25 “Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
26 Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batangkalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro.
Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo
na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng
kanilang mata.
27 Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang
bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman
ni Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang
kailangang maghanapbuhay dahil sa kahirapan.
28 Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila,
nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos
na tahanan, masayang paaralan, at sapat na pagkain.
29 Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang
pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa
pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.
30 “Bituin, bituin, tuparin ngayon din
Lahat kami’y gawing batang masayahin.”
31 Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay
gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa magulong
pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.
32 Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel.
Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang
mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at
mabuhay sa malupit na kalsada.
Mula sa: Ang Gintong Habihan: Mga Kuwentong Premyado ng Palanca. (1998). Maynila: Tahanan Books for Young Readers.
MABANGIS NA LUNGSOD
Efren R. Abueg
Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na
lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may
bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng
dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang
gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay
hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong.
Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y
naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon
katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kaniya
kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo.
Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang
nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang
mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at mabawasan ang mga
taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit
na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng
suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga
hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman
ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may
puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang
mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob
ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kaniyang mga bisig sa wala
pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang
ipinararamdam ng pangangalam ng kaniyang sikmura at sinasapian pa ng takot na
waring higad na gumagapang sa kaniyang katawan.
“Mama... Ale, palimos na po.”
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng
mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalaga ng
pagmamadali ng pag-iwas.
“Palimos na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!”
Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap,
pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,”
madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap
na iyon ay untag sa kaniya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kaniyang katabi sa
dakong liwasan ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling
Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang
paghindi sa kaniya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas.
“May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik
kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim
na palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kaniyang bulsa,
ngunit kailan man ay hidni nakarating sa kaniyang bituka.
“Maawa na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!”
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak
ng lupa. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng
karukhaan.
Ang kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali,
narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa
wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi,
hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad
ng kaniyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa mga taong sa kaniyang
kinaroroonan.
“Malapit nang dumating si Bruno...” ani Aling Ebeng na walang sino mang
pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaring makarinig.
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kaniyang bituka ang
nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kaniyang mga laman
at nagpapantindig sa kaniyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng
isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kaniyang harap ang mga taon malamig,
walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa
kaniyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos
mapawi ang kaniyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at
hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kaniya na gumawa ng isang
marahas na bagay.
Ilang barya ang nalaglag sa kaniyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat
ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari
bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang
mga barya sa kaniyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kaniyang palad. At sa
kaabalahan niya’y hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa
simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga
kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng nagmamadaling
pag-iwas.
“Adong... ayun na si Bruno” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.
Tinanaw ni Adong ang ininguso sa kaniya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad
na katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na
gora. Napadukot si Adong sa kaniyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig.
At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kaniyang mga ugat. Ngunit
ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina
pa ay mamamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kaniyang palad ang mga baryang
napagpalimusan.
“Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang
sinabi sa matanda.
“Ano? Naloloko ka na ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!”
Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglalakad, sa
simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas
siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik
siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad. At akala niya’y nawala na
siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan
ng kaniyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng
isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo
sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa
mula’t pa’y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa
kaniyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing
“Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.
Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kaniya ng lagim. Ibig niyang
tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kaniyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni
Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kaniyang bisig, niluluray ang munting lakas
na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at
kabangisan.
“Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!” Naisigaw na lamang ni Adong.
Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya
ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi
na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kaniya.
ANG ALAMAT NI DARAGANG MAGAYON
Katulad ng lahat ng alamat, nangyari ang kuwentong ito noong unang panahon.
Naganap ito sa payapang rehiyon ng Ibalong, sa maliit na bayan ng Rawis, na
pinamumunuan ng makatarungang datung si Makusog. Ang asawa ng datu na si Dawani
ay namatay sa panganganak. Kaya’t nanatiling iisa ang anak ni Datu Makusog—isang
anak na babaeng walang kapares sa kagandahan at kabaitan, si Daragang Magayon.
Hindi tuloy nakapagtataka kung bakit dumadayo ang napakaraming manliligaw mula sa
ibang tribu, kabilang na ang nasa malalayong bayan, upang mabihag ang puso ng dalaga.
Ngunit wala ni isa sa mga binatang ito ang nakakuha ng pagtingin ng magandang binibini.
Wala, kahit ang makisig at mapagmataas na si Pagtuga, ang dakilang mangangaso at datu
ng Iraga. Kahit pa pinaulanan ni Pagtuga ng mga handog na ginto, perlas, at iba pang
kayamanan ang ama ni Magayon, ay hindi pa rin nito nakuha ang loob ng dalaga.
Isang katangi-tanging binatilyo ang nagpakita si Rawis: si Ulap, ang tahimik ngunit
matapang na anak ni Datu Karilaya ng Katagalugan. Naglakad siya nang malayo upang
makita ng sarili niyang mga mata ang ipinagbuunying kagandahan ni Daragang Magayon.
Ngunit hindi katulad ng ibang manliligaw, nagdahan-dahan si Ulap. Tiniis niya ang
magnakaw lamang ng mga sulyap mula sa malayo habang nagtatampisaw si Daragang
Magayon sa ilog ng Yawa.
Pagkatapos ng isang maulang gabi, pumunta ulit si Magayon sa Ilog Yawa upang
magtampisaw. Nadulas siya sa batuhan at nahulog sa malamig na ilog. Dagli-dagling
sumaklolo si Ulap at binuhat ang nangangatog na dilag pabalik sa dalampasigan. Ito ang
naging simula ng pag-iibigan ni Daragang Magayon at ni Ulap.
Ilang beses pang nagtagpo si Ulap at si Daragang Magayon. Hanggang sa isang araw,
sinundan ni Ulap si Magayon sa pag-uwi. Pagdating sa bahay ni Datu Makusog, buong
lakas nang loob na ibinaon ni Ulap ang kaniyang sibat sa hagdan. Ipinapahiwatig nito
ang kaniyang kagustuhang pakasalan si Magayon. Walang nagawa si Magayon kundi
mamula, magpigil ng tawa, at umiwas ng tingin. Dahil dito, napagtanto ni Datu Makusog
na umiibig ang kaniyang nag-iisang anak, kaya’t hindi na siya nagpahayag ng kahit
anong pagtanggi. Tuwang-tuwa si Magayon at si Ulap. Binalak nilang gawin ang kasalan
pagkalipas ng isang buwan upang mabalitaan ni Ulap ang kaniyang mga kababayan, at
upang makapaghanda nang husto para sa pagdiriwang.
Mabilis na kumalat ang magandang balita. Nakarating agad ito kay Pagtuga, na
namula sa galit.
Nang mangaso si Datu Makusog, dinakip siya ni Pagtuga. Nagpadala si Pagtuga ng
mensahe kay Magayon, nagbabantang papatayin ang kaniyang ama at maghahasik ng
digmaan sa kaniyang bayan kung hindi siya pakakasalan.
Sinunod ni Magayon ang kahilingan ni Pagtuga, labag man sa kaniyang kalooban.
Agad-agad na inihanda ang kasalan. Nang malaman ni Ulap ang masaklap na pangyayari,
nagmadali siya pabalik ng Rawis kasama ang pinakamagigiting niyang mandirigma.
Kasisimula pa lamang ng seremonya nang dumating sina Ulap. Sa halip na isang
pagdiriwang para sa kasal, isang madugong labanan ang naganap. Napuno ang langit ng
mga palaso. Napuno ang hangin ng tunog ng nagkikiskisang bolo. Nagtuos si Ulap at si
Pagtuga, isang labanan para sa kamay ng nag-iisang si Magayon.
Nadaig at napaslang ni Ulap si Pagtuga. Masayang sinalubong ni Magayon si Ulap,
akmang yayakapin—nang biglang isang ligaw na palaso ang tumama sa likod ng dalaga.
At habang sapo-sapo ni Ulap ang nag-aagaw-hininga niyang iniibig, bigla siyang sinibat
sa likod ng isang kawal ni Pagtuga. Agad na hinataw ni Datu Makusog ang kawal ng
kaniyang minasbad, isang matalim na bolo.
Pagkatapos ng mabilis na pangyayaring iyon, tumahimik ang lahat ng mandirigma.
Tumigil ang digmaan. Sa halip na marinig ang kasiyahan ng isang pagdiriwang ng kasalan,
mga hikbi at hagulgol para sa mga pumanaw ang lumutang sa hangin. Kahit na halos
walang makita dahil sa walang-tigil na pagluha si Datu Makusog, naghukay siya nang
naghukay. Nang matapos, inilibing niya ang kaniyang nag-iisang anak na si Magayon, at
ang nag-iisa nitong pag-ibig na si Ulap, nang magkatabi at magkayakap.
Habang lumilipas ang mga araw, unti-unting tumaas ang lupang pinaglibingan kina
Ulap at Magayon. Tumaas ito nang tumaas, at di nagtagal, sinamahan ito ng pagyanig
ng lupa at pagtilapon ng nagbabagang mga bato. Naniniwala ang mga matatanda na
kapag nangyayari ito, ginagalit ni Pagtuga ang bulkan upang maibalik sa kaniya ang mga
kayamanang iniregalo niya kay Magayon—mga regalong inilibing kasama ng dalaga sangayon sa mga lumang paniniwala.
May mga araw kung kailan natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. Sinasabi
ng mga matatanda na kapag nangyayari ito, hinahalikan ni Ulap si Magayon. At
kung pagkatapos nito ay marahang dumampi ang ulan sa magiliw na libis ng bulkan,
naniniwala ang mga matatandang lumuluha si Ulap.
Pagkatapos ng mahabang panahon ay umigsi na ang pangalan ni Magayon at naging
Mayong o Mayon. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, kahit na maaliwalas ang panahon,
isang anino ng masalimuot na kuwento ng isang natatanging dalaga at ng kaniyang iniibig
ang bumabalong sa magandang bayan ni Daragang Magayon.
KAY MARIANG MAKILING
Edgar Calabia Samar
Nagpaalam noon ang Nanay.
Hindi ipinaalam kung saan siya pupunta.
Anong pook ang maaari niyang puntahan
upang di na magbalik?
Anong pook ang maaari niya?
Nagkampo kami ni Tatay sa Makiling.
Inalala ang kuwento ng diwatang
naglaho sa panglaw ng sariling panaghoy.
“Hindi na siya babalik,” sabi ni Tatay.
Pag-uwi, tinanaw ko ang bundok,
at totoo, mas maganda itong tingnan
sa malayo: hindi matitinag, buo
ANG MGA DUWENDE
Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol
Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid
na babae. Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa
kinaumagahan. Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana
ng kanilang bahay, kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing
hatinggabi. Upang malaman ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento
niya ito:
“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang,
ngunit matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga
muwebles at mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi
sila makahanap ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi,
braso, at katawan ng mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila
pagkagising. Kung hindi kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na
madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan
nila ang mga kaibigan nila ng mga masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula
sa mga masasamang nilalang. Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala
ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang na nagtataglay ng kakaibang karunungan
dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung
sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay biglang nagsabi ng anumang masama
o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila marinig ng mga duwende, ay
parurusahan sila at hindi na muling babalikan.
“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay
ko, o ang lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at
mga bintana bago kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng
kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago
maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto. Maliit
siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha;
mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso
niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya--malaki para sa kaniyang braso.”
Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang
maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende.
Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na
pumapasok sa pinto. At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng
bahay, papunta sa mga dalaga. Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab
sa mga kamisa at saya.
Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa
duwende. Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa
gabi.
KUNG NAIS MAKITA ANG SUSUNOD NA AKDA PUMUNTA SA LINK NA ITO:
ALAMAT NG WALING-WALING
Noong unang panahon sa isang kahariang matatagpuan sa may dagat ng Mindanao,
may isang makisig at matapang na sultang nagngangalang Rajah Solaiman. Dahil sa
kaniyang galing at tapang sa digmaan siya’y nakilala bilang isang kilabot sa iba’t ibang
kaharian. Pinaniniwalaang nasa kaniyang pag-aari ang isang mahiwagang sundang, ang
Sundang Lenantatyon. Ibinigay ito kay Solaiman ni Bal-Lido, ang diyosa ng digmaan.
Ipinagkaloob ito sa kaniya dahil sa mahusay niyang taktika sa pakikipagdigma. Malaki ang
pasasalamat sa kaniya ng mga taga-Mindanao dahil sa patuloy na pagtatanggol ng Rajah.
Isa sa mga digmaang kinasangkutan ng Rajah ang digmaan sa Seta Tem-mon.
Nagwagi siya sa labanang ito, subalit iyon lamang ay naging posible sa tulong ni BalLido. Sa labanang ito siya niregaluhn ng sundang. Subalit bago pa man ito napasakaniya,
dumaan muna siya sa isang pagsubok.
“Kunin mo ang itak,” sabi ni Bal-Lido. Sa pagtingala ni Solaiman nakita niya ang
isang lumulutang na itak. “Gamitin mo iyan at putulin mo ang iyong kaliwang braso,” Di
nagdalawang-isip si Solaiman, sa utos ng diyosa ay kinuha niya ang espada at iniakmang
puputulin ang kaniyang sariling braso. Sa pagtama ng itak sa kaniyang braso nagulat
na lamang siya nang mapansing walang dugong dumanak ni balat na napilas mula sa
kaniyang katawan.
“Mula sa puntong ito Solaiman, hindi ka na magagalaw ng kahit anong sandata
pa man.” Sabi ni Bal-Lido. “Ikaw ay papanaw lamang sa aking utos, sa oras na iyon
siguraduin mong isusuko mo ang ibinigay kong sundang sa lugar na ito. Kung hindi ka
makararating, siguraduhin mong may isang taong mapagkakatiwalaang magbabalik ng
sundang sa akin.”
Kung gaano kabagsik si Solaiman sa digmaan, ganoon rin siya kabagsik sa pag-ibig.
Dahil sa ganitong katangian, kinamumuhian at kinatatakutan siya hindi lamang ng
kaniyang mga kaaway kung hindi pati na rin ng kaniyang mga tagasunod. Sa mga kalye
pa lamang, rinig na ang mga bulungan ng mga tao. Umaalingawngaw ang mga babala sa
lahat ng sulok ng kaharian, “Itago ang asawa’t mga anak na babae dahil si Solaiman ay
paparating.”
Nag-uumapaw na ang mga babae sa harem niya subalit, hindi pa rin siya tumitigil sa
pangongolekta nito. Para sa isang maharlikang tulad niya, walang dalang bigat ang naguumapaw na babae sa kaniyang buhay. Kung may isang aalis, may tatlong darating, kung
gaano siya kahusay sa paggamit ng kaniyang sundang, tila mas matalim ang kaniyang
mga salita pagdating sa pag-ibig.
Sa dulo ng kaniyang kaharian, may naninirahang isang mangingisda. Kasama nito ang
kaniyang anak na babae sa bahay na siyang nag-aalaga sa kaniya.
Isang tapat na tagapaglingkod ang mangingisdang ito kay Rajah Solaiman. Subalit,
dahil sa pag-aalala sa posibleng kahinatnan ng kaniyang anak, itinago niya ito sa gitna ng
gubat. Umaasang walang mga matang makatatanaw sa kaniyang anak, lalo pa ang mga
mata ni Rajah Solaiman. Alam niyang hinding hindi siya makatatanggi sa kung ano mang
sabihin ng kaniyang Rajah.
Tumira si Waling-Waling sa itaas ng isang punong lauan. Napaliligiran ito ng mga
ilang-ilang at ilang halamang gubat. Walang nakaaalam ng paraan upang makaakyat
dito kung hindi ang mapag-arugang mangingisda lamang. Pati ang mga pagbisita
niya ay planadong-planado. Sa umaga, siya’y nagdadala ng pagkain at sa gabi nama’y
sinisiguradong ligtas at maayos ang kaniyang anak.
Isang di pangkaraniwang kagandahan nga talaga itong si Waling-Waling. Singkinis
ng sutla ang kaniyang balat, singdilim ng uling ang buhok, ang kaniyang mga pisngi ay
parang dinampian ng rosas, mga matang sing tingkad ng mga alitaptap sa gitna ng dilim,
at ang kaniyang mga pilik mata’y tila mga alon sa pagkakurbada. Madali sana para sa
dalaga ang ipakasal sa kahit na sino kung isa lamang siyang dugong-maharlika. Subalit,
nagiging mahirap ang lahat dahil isa lamang siyang pangkaraniwang mamamayan.
Isang araw habang nangangaso si Solaiman sa gubat, napansin niyang may isang
tirahan sa itaas ng mga puno. Sa gitna ng mga puno, nasulyapan niya ang bahay ni
Waling-Waling. Sa kaniyang paglingon nakita nito ang isang kakaibang kagandahang
noon pa lamang niya nakita.
Napasigaw si Rajah Solaiman, “Sino ang ama mo? Sigurado akong itinatago ka
lamang niya sa akin!” Hindi sumagot sa Waling-Waling sa takot na baka kung anong
gawin ng Rajah sa kaniyang ama.
Sa kaniyang pagtulog, nanaginip ang mangingisda ng mga karimarimarim na ideya.
Nang magising ito mula sa masasamang panaginip, kumaripas siya ng takbo upang
tunguhin ang tirahan ni Waling-Waling sa gubat. Laking gulat niya nang maabutan niya
ang isang nagngingitngit na Rajah.
“Paano mo nagawang itago sa akin ang isang nilalang na singganda ng iyong anak?
Sabihin mo sa kaniyang bumaba upang makita ko siya ng mas maayos.” Utos ng Rajah sa
mangingisda. “Gawin mo ito kung ayaw mong mahati ng aking sundang.”
Sa utos ng kaniyang ama, bumaba naman si Waling-Waling. Nang umabot siya sa
kalahati ng puno, nadampian siya ng ilaw mula sa buwan na lalong nagbigay liwanag sa
kaniyang ganda. “Hindi kita papatayin,” sabi ni Solaiman sa mangingisda, “subalit, nais
ko sanang pakasalan ang iyong anak. Ipinapangako kong pakakawalan lahat ng babae sa
aking harem at siya ang gagawin kong asa…”
Bago pa man tuluyang matapos ni Solaiman ang kaniyang sasabihin at bago pa
man makababa si Waling-Waling, nanigas ang katawan ng Rajah at ng mangingisda.
Isang liwanag ang bumalot sa buong gubat. Nakita nila ang isang imahen na papaliit
nang papaliit. Ang dating katawan ni Waling-Waling ay tila sumabit sa mga sanga ng
puno. Habang paunti-unting nawala ang liwanag tila naging mas malinaw sa dalawa
ang imahen ng isang bulaklak. Isang bulaklak na may lila’t pulang batik sa kaniyang mga
talulot.
Hindi sila makapaniwala sa kanilang nasaksihan subalit, walang nagawa si Solaiman
at ang mangingisda. Pagbalik sa palasyo, inatasan niya ang mga kawal niya na kumuha ng
bulaklak ng Waling-Waling sa gubat at ipalamuti ito sa mga puno sa harapan ng palasyo.
Isang pag-alaala sa mga pag-ibig na sana’y maabot na niya.
Pp 49-53 The Legend of the Waling-Waling ni Gaudencio V. Aquino
MGA ALAMAT
Kabanata 3, El Filibusterismo ni Jose Rizal
Pumapasok na nga noon sa lawa ang bapor at tunay na napakaringal ang tanawing
tumambad sa kanilang paningin. Humanga ang lahat. Sa harap, nakalatag ang kaakitakit na lawa, naliligid ng luntiang pampangin at asul na bundok, kahawig ng isang
napakalaking salamin na may kuwadrong esmeralda at sapiro upang masalaminan ng
langit. Sa kanan, nakalatag ang mahabang pampangin, lumilikha ng mga look na may
kaaya-ayang kurba. At doon sa malayo, may kalabuan ang kawit ng Sugnay. Sa dakong
likuran ng harap, maharlikang nakatindig ang Makiling, mahirap limutin, napuputungan ng maninipis na ulap. At sa kaliwa, ang pulo ng Talim, ang Susong Dalaga na may
malalambot na kunday at nagpapatunay sa pangalan nito.
Isang sariwang simoy ang buong tamis na kumulot sa malawak na mukha ng lawa.
“Siya nga pala, Kapitan,” ani Ben Zayb na lumingon, “alam ba ninyo kung sang
dako ng lawa namatay ang isang nagngangalang Guevarra, Navarra o Ibarra?”
Tumingin ang lahat sa Kapitan maliban kay Simoun na bumaling sa ibang dako
upang hanapin ang kung ano sa pampangin.
“Oo nga!” ani Donya Victorina. “Saan Kapitan? May Naiwan bang palatandaan sa
tubig?”
Ilang ulit kumindat ang butihing ginoo, bilang patunay ng kaniyang pagkaligalig .
Ngunit nang makita niya ang samo sa mga mata ng lahat, lumapit nang ilang hakbang
sa dulo ng bapor at sinuri ang pampangin.
“Tumingin kayo doon,” aniya sa tinig na halos hindi marinig pagkatapos matiyak
na walang ibang tao sa malapit. “Sang-ayon sa kabo na namahala sa pagtugis, nang
makita ni Ibarra na mapipikot siya, tumalon siya mula sa bangka doon sa malapit sa
kinabutasan at, sumisid nang sumisid sa gitna ng dalawang tubig, tinawid ang distansiyang mahigit dalawang milya, at sinasalubong ng punglo tuwing lilitaw ang ulo upang
huminga. Sa banda pa roon siya nawala sa kanilang paningin at sa malayo-layo pa,
malapit sa pampang may nakita silang tila kulay dugo…At iyon na nga! Labintatlong
taon na ngayon, walang labis walang kulang nang maganap ito.”
“Samakatwid, ang kaniyang bangkay?…” Tanong ni Ben Zayb
“Ay kapiling na ng bangkay ng kaniyang ama,” tugon ni Padre Sibyla. Hindi ba’t isa
rin itong filibustero, Padre Salvi?”
Napakamurang mga libing, hindi po ba, Padre Camorra?” tanong ni Ben Zayb.
Lagi kong sinasabi na isang filibustero ang ayaw magbayad para sa mariringal na
libing,” sagot ng tinukoy habang tumatawa nang buong saya.
“Pero, ano ang nangyayari sa inyo, Senyor Simoun?” Tanong ni Ben Zayb, nang
mapansing walang tinag at buong lalim na nagninilay ang alahero.
“Nahihilo ba kayo, kayo na isang biyahero! At sa sampatak na tubig tulad nito?”
“Ang masasabi ko sa inyo,” wika ng Kapitan na tinubuan na ng pagmamahal sa pook
na iyon. “Huwag ninyo itong tawaging sampatak na tubig. Higit na malaki ito kaysa alinmang lawa sa Suiza at malaki pa kahit pagsamahin ang lahat ng lawa sa Espanya. Marami
na akong nakitang matandang marino na nalula dito.”
Pp 21-23 Kabanata 3 ng El Filibusterismo, Mga Alamat
NApAGAWI Ako
sA MAbAbANG pAArALAN
Lamberto E. Antonio
Napagawi ako sa mababang paaralan
Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,
At dating kubeta ng ilang kababaryo
Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.
Di na ito ang ilang tiwangwang na kuwartong may tapal
Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng
Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners
Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.
Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;
May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t
Basketbolkort na kainauukitan ng nagdudumilat na
“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng
“Alay nina Don at Dona Pilipito Palapatok.”
Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo
At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila
Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y
Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng
Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi
Sa salawal sa pagkuha ng test –
Kundi may DR. o ENGR., may ATTY.
Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro –
Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,
Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.
Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering
Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y
Narseri; sa mga puno ng papayang bunga’y tambulukan;
Sa tambak na retasong mga tabling may bakas ng anay.
Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,
Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang
Nagpautang sa akin noon ng musmos na karansan;
Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:
Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon
Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t
Maulila sa mga magulang). Gumawi ako
Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,
Dahil nakabingit na naman ang pasukan –at para maiyukit ko,
Kahit papa’no, ang aking pangalan.
pAGLIsAN sA TsINA
ni Maningning Miclat
(1) Isinulat ko ang una kong tula “Isn’t It?” noong high school. Labing-isang taong gulang
ako noon. Nakakatuwa iyon, ang saya ko. Nakasulat sa malayang taludturan, nakilala ko
na mayroon pala akong indayog. Nang mabasa ng mga kaibigan ko, sinabi nila na walang
katuturang tula daw iyon at tinawag ko nga na tula ng kawalang katuturan.
(2) Katawa-tawa ang panahong kinalakhan ng henerasyon ko sa Tsina. Hindi
naapektuhan ng Rebolusyong Pangkultura ang tadhana namin. Wala noong
consumerismo na tutukso sa aming mga hangarin, ni hahamon na paninindigan namin
sa Sosyalismo. Dapat kaming maging Spartan. Dapat makakuha kami ng mataas na grade
para makapasok sa magandang eskuwela.
(3) Alam naming lahat na ang mga senior student sa eskuwela namin na nakatira sa
dorm ay lumalabas sa kalsada kapag oras nang patayin ang mga ilaw para makapagaral sa ilalim ng poste. Marami kang hahangaan doon. May isa akong kaklase na
makapagrerecite nang paabante at paatras sa buong nobelang Water Margin. Marunong
magkaligrapiya at magpiano ang isa kong pinakamatalik na kaibigan sa klase, kaya
kung maglalakad siya at maramdamang hindi tama ang lakad niya, babalik siya sa
pinanggalingan sa paniniwalang “practice makes perfect”.
(4) Pagkatapos ng klase, magkasama kaming maglalakad papuntang bus stop; at ang
tagal-tagal naming makarating sa bus. Paulit-ulit naming iwinawasiwas pataas ang aming
kanang kamay dahil baka mahulog ang iniimagine naming relo. Noon nadevelop ang
ilang kakatwang manerismong dala ko pa hanggang ngayon. Ang maganda nito, hindi
ako ngayon nahihirapan sa ginagawang rebisyon ng mga sulat dahil sa munting ehersisyo
ng pagpapabalik-balik-lakad na ginagawa ko noon sa Beijing.
(5) Marami akong isinusulat at binabasa habang nagkaklase – sa ilalim ng desk. Pag-uwi,
sumasakay ako sa swing sa laguwerta namin. Ganoon ko pinananatili ang
nararamdamang indayog para sa aking malayang taludturan. Noon ako nag-umpisang
mangarap
na maging makata at pintor balang araw.
(6) Nang matapos sa junior high school, na halos kasunod ng EDSA Revolution sa
Filipinas, bumalik na kaming mag-anak sa eskuwela. Hanggang kunin ako ng ICM sisters
ng St.
Theresa’s College. Nailathala naman ako sa student page ng World News, pahayagang
broadsheet ng komunidad Tsino sa Filipinas. Pagkatapos, nagtrabaho ako bilang isa sa
mga translator ng balita sa diyaryong iyon, nag-atubili, at huminto. Pero nalatha pa rin
ako; nagkaroon ng promoter ng mga trabaho o sa literary page, sa katauhan ng isang
makata-photographer-businessman, si G. James Na.
(7) Nag-umpisa akong dumalo sa workshop ng tula sa Filipino, na ginaganap sa Adarna
House, tagapaglathala ng mga aklat pambata. Pagkatapos sa Rio Alma Poetry Clinic,
natanggap akong kasapi ng LIRA, isang grupo ng mga kabataang makata sa Filipino.
Ako ang pinakabata noon. Iniindex ko pa ang mga salita noon sa diksyunaryong Tagalog
para makapagtugma, dahil wala naman akong makitang rhyming dictionary sa Filipino.
Kadalasan ay nagsusukat ako ng pantig para mabawasan ang mga mali ko sa wika.
(8) Nang panahong iyon, nagsusulat pa ako sa Tsino habang nag-aaral ng Filipino.
Samantala, binabasa ko sa pagitan ng mga linya ang mga liham na natatanggap ko mula
Tsina.
(9) Katagalan, matagal na matagal, pagkatapos ng crackdown sa Tian An Men, ipinadala
sa akin ng kaklase ko sa high school ang librong Tuanang Singsing na Luntian na inilathala
ng Palimbagan ng Beijing. Kalipunan iyon ng mga sanaysay na isinulat ng mga freshman
ng Unibersidad ng Peking noong magtraining military sila sa Kampo Shijachuang bago
pasimulan ang kanilang regular na klase sa kampus.
(10) Isinulat sa akin ng kaibigan kong may artikulo sa libro: “Ipinakikita ng librong ito, sa
napakatanging punto de bista, ang buhay namin noong mismong taong iyon, at
mararanansan mo dito ang pagsasama ng paglikhang pampanitikan at propagandang
pampolitika, lalo na sa military.”
(11) Naniniwala ako na nalampasan nang maluwalhati ng lahat ng kaibigan ko sa Tsina
ang 1989. Freshman ako sa kolehiyo sa UP Baguio nang maganap ang crackdown.
Huminto ako ng pagpapalathala sa World News matapos makitunggali sa isang huling
sanaysay at ilang tula sa Tsino. Pagkatapos, ipinasiya kong hindi na ako taga-Tsina, hindi
ko na wika ang Tsino.
(12) Doon natapos ang isang panahon.
Mula sa: http://baitang7.files.wordpress.com
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento